In memory of Jesus Bagaipo, a close friend of Ptr. Regen Luna

This is the homily that I delivered last night at the memorial service of my dear friend Jesus Bagaipo.  My apologies for our international friends it is written in Filipino.

Magandang gabi po sa inyong lahat, ako po si Ptr. Regen R. Luna, pastor at parish priest ng Jesus Christ the Good Shepherd Church of God – CUC, sa Dasmariñas Cavite at dating Kaklase ni Jojo sa De La Salle University at isa sa kaniyang mga matalik na kaibigan.  Marahil magtataka kayo kung bakit ako nakagreen at red ngayon, dahil pareho kaming lasalista at bakit pula? dahil ganoon ko kamahal ang aking kaibigan.  Tsaka kasi kung violet hindi po ito bagay sa green, may fashion sense din naman ang mga pastor kahit papaano.

Noong nakaraang llinggo habang ako ay nagkakasal sa Kartini Hotel sa Kawit Cavite, ay biglang may nagtext, at ang sabi PATAY NA SI JOJO BAGIPO – Toby, Hindi ko alam kung magagalit ako kasi ayokong maniwala baka nagbibiro lang siya, ang ganda naman ng timing kung kelan nagkakasal ako, mejo tumigil ako ng mga 10 seconds para huminga ng malalim at isipin kung totoo nga o hindi, kasi mga dalawang buwan bago ang event na ito ay nagusap pa kami ni Jojo dahil gusto niyang mag apply sa pinapasukan kong call center sa Alabang ang sabi ko sa kaniya sige sasamahan kita doon at ituturo ko sayo lahat ng sagot sa exam ang sabi ko sa kaniya.

Matagal ang aming pinagsamahan ni Jojo sa College.  Halos araw-araw kaming magkasama.  Pati sa aming buhay pag-ibig parang magkarugtong ang aming mga bituka, kasi kung sino ang naging girl friend ko ay naging girl friend din niya, hindi ko na papangalanan at baka may magaway, promise!!!  Naalala ko kung gaano kabait si Jojo sa akin noon at lalo na noong nagkahiwa-hiwalay na kami ng landas, dumating ang panahon na kinailangan ko ng tulong at walang atubili na tinulungan niya ako.  Hinding-hindi ko ito makakalimutan habang ako ay nabubuhay.

Kaya noong matanggap ko ang text galing kay Toby, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, malulungkot ba ako, magagalit ba ako, sisisihin ko ang sarili ko sa aking mga pagkukulang sa kaniya bilang isang kaibigan, o matutuwa ako sapagka’t kapiling na niya ngayon ang ating Panginoon kung saan wala ng luha, wala ng problema, wala ng pasakit, kundi kapayapaan na lamang sa piling ng Dios.

Nakakalungkot na namatay na ang para sa akin ay isa sa mga malapit kong kaibigan, para sa iba isang taong nagmamahal, para sa iba isang mabuting kapatid, para sa kaniyang ina isang mabuting anak, para sa iba isang dating kaklase, at para sa iba dating kasamahan sa trabaho.  Malungkot dahil wala na isya, nguni’t masaya dahil payapa na siya ngayon at wala ng paghihirap samantalang tayong lahat ay marami pang problema, marami pang pagsubok, marami pang luha ang ating titiisin sa buhay na ito.

Sa ating ebanghelio ngayon sa ating pagharap sa ating Panginoon, hindi niya itatanong kung tayo at lalake o babae, hindi niya itatanong kung tayo ay bakla o tomboy, hindi niya itatanong kung tayo ay may sakit o wala, hindi niya itatanong kung paano tayo namatay, ang itatanong niya ay kung paano tayo nabuhay noong tayo ay nasa lupa pa.  Ni hindi niya itatanong kung tayo’y katoliko, born again, protestante, Iglesia ni Cristo, Rizalista, Maganda o pangit, flawess ka ba o hindi, mayaman kaba o mahirap, ang itatanong niya pinakain mo ba ako noong nagutom ako?  Dinamitan mo ba ako noong ako ay nakahubad?  Dinalaw mo ba ako noong ako ay nakakulong?  Inalagaan mo ba ako noong ako ay may sakit?

Sa mga kapatid at kapamilya ni Jojo noong siya ay masakit kayo ang nagalaga sa kaniya, hindi niyo po ito ginawa para kay Jojo kundi ginawa niyo po ito para sa ating Panginoong Jesus at dahil jan may gantimpala na kayo hindi lamang sa buhay na ito kundi sa buhay na susunod.

HINDI NAMATAY SI JOJO, NG WALANG KABULUHAN, Bakit? Sapagka’t maraming aral ang iniwan niya para sa ating lahat.

1.       Kahalagahan ng pamilya – sa panahong wala na ang lahat pamilya mo pa rin ang iyong sandigan.

2.       Kahalagahan ng mga kaibigan – hindi natin kayang mabuhay ng mag-isa sa mundo, no man is an island kailangan natin ng mga kaibigan na makakasama natin sa ating pakikipaglaban sa mundong ito, hindi natin kayang mag-isa.

3.       Kahalagahan ng pangungumusta – maraming nagsasabi na ang mga tao ay nagkikita-kita lamang kapag may namatay at mukhang ito ay totoo, kung hindi pa namatay si Jojo hindi ko pa makikita ang mga dati kong kaklase, kung hindi pa siya namatay hindi ko makikilala ang kaniyang mga kapatid at pamilya, kung hindi pa siya namatay hindi ko makikilala ang kaniyang mga kaibigan.

4.       Kahalagahan ng buhay – habang buhay pa tayo kailangan nating mabuhay na para bang mamaya o bukas tayo rin ay mamatay, hindi tayo mabubuhay magpakailanman dito sa lupa, hubad tayong ipinanganak at wala tayong madadala sa hukay, marami sa atin na kung mabuhay ay parang hindi na mamatay, ang kamatayan ni Jojo ay nagpapaalala sa ating lahat na isang araw tayo rin ay nasa kabaong at pinaglalamayan, ang tanong tayo ba ay nakahanda sa ganoong sitwasyon?

5.       Kahalagahan ng pagpaparangal – Ang sabi sa Biblia sa Roma 13:7 “give honor to those honor is due”, ang pagsasama-sama natin ngayon gabi ay isang luksang-parangal para sa ating kapatid na si Jojo, hindi siya isang buhay na nasayang kundi isang buhay na halimbawa para sa ating lahat na kahit na sa kabusihan ng ating mga schedules matuto tayong lahat na mangamusta sa ating mga kaibigan,

6. Kahalagahan ng paghahanda – Ang sabi sa Ecclesiastes 7:2 “It is better to go to a home where there is mourning than to one where there is a party, because the living should always remind themselves that death is waiting for us all…” Mas mabuti pa raw ang pumunta sa bahay na kung saan may mga nagluluksa kaysa pumunta sa bahay na may party, sapagaka’t dapat nating alalahaning mga buhay na ang kamatayan ay nagaantay lamang sa bawa’t isa sa atin.

PAGWAWAKAS:

Ito na siguro ang huli kong magagawa para sa aking kaibigan, ang magbigay sa kaniya ng isang luksan-parangal alam kong nanonood siya ngayon doon sa kabilang buhay at alam kong natutuwa siyang makita tayong lahat na nagsama-sama para sa kaniya.  Sa kaniyang pamilya, maraming salamat sa pagbibigay ninyo ng buhay at pagaalaga ninyo kay Jojo, kundi dahil sa inyo wala kaming magiging kaibigan at kaklase na katulad niya mataray nguni’t ubod ng bait, kami po ay lubos-lubos ang pakikiramay sa inyong pagdadalamhati asahan po ninyo ang aming mga panalangin at tulong para sa inyo.  Sa aming mga kaklase, kumusta na kayong lahat? Nakikiramay ako sa inyo dahil alam kong mahal din ninyo si Jojo tulad ng pagmamahal ko sa kaniya bilang kaibigan, mas matagal ang pinagsamahan ninyo kaysa sa akin kasi nagkahiwa-hiwalay na tayo ng landas pero heto tayo ngayon magkakasama ulit, asahan ninyo na mula ngayon palagi ko kayong kukumustahin at ipapanalangin.  Sa mga kaibigan ni Jojo, maraming salamat sa inyong pakikipagkaibigan sa kaniya, marami kayong masasayang ala-alang kasama siya, totoong wala na ang kaniyang buhay sa kaniyang lupang katawan pero ang kaniyang ala-ala ay mananatili sa inyong mga puso magpakailan man.  Sa ating lahat condolence at salamat sa inyong pakikinig at pakikiisa sa luksan-parangal na ito para sa ating kaibigang si Jojo.  Manalangin po tayong lahat…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s